Labor groups, tutol sa plano ng DOLE na ipagpaliban ang pagbibigay ng 13th month pay

Kontra ang mga grupo ng manggagawa sa Pilipinas sa plano ng Department of Labor and Employment (DOLE) na payagan ang ilang kumpanya na naapektuhan ng pandemya na huwag munang magbigay ng 13th month pay sa kanilang mga empleyado.

Ayon sa Associated Labor Unions (ALU), ang 13th month pay benefit ng mga manggagawa ay “earned” at “accrued” o ‘accumulated’ na kaya hindi tama na magbigay ang DOLE ng order na ipagpaliban ito.

Dagdag pa ni ALU National Executive Vice President Gerard Seno, and 13th month pay benefit ng mga manggagawa as isang “basic labor standard” na hindi maaaring balewalain.

Iginiit niya na nararapat lamang na makatanggap ng 13th month pay ang mga manggagawa lalo na’t sobra rin ang kanilang sakripisyo dahil sa working adjustments dala ng pandemya.

Dumaranas ang maraming manggagawa ng mas mahabang oras ng trabaho bagama’t bawas ang nakukuhang sweldo dahil sa job rotation at reduced benefits.

Ayon kay Seno, ang ilang business owners at employers ng mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs) ay nakakuha ng small business wage subsidy cash assistance mula sa gobyerno para dagdag puhunan at pondo ngayong may pandemya.

Nanawagan si Seno sa mga employers at business owners, lalo na sa DOLE, na huwag ituloy ang hindi pagbibigay ng 13th month pay dahil dagdag pasakit lamang ito para sa mga manggagawang Pilipino na malaki ang pangangailangang pinansiyal ngayong may COVID-19.

Samantala, ayon naman sa Kilusang Mayo Uno, responsibilidad ng gobyerno ang tulungan ang mga MSMEs sa mga panahon ng emergency kagaya ng pandemya. Idinagdag ng grupo na ang isa pang gustong mangyari ng DOLE na i-extend ang six-month floating status ng ilang temporary displaced employees ay labag sa batas.

Recommended Posts