Pagvi-videoke habang may online classes, bawal na sa Maynila

Para iwas-abala sa mga mag-aaral na may online classes, ipinagbawal na ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang paggamit ng karaoke at videoke machines, maging ang malalakas na speakers mula 7:00 AM hanggang 5:00 PM sa bisa ng Ordinance No. 8688.

Ayon sa lokal na pamahalaan ng Maynila, nagdesisyon ang alkalde na pirmahan at ipasa ang nasabing ordinansa matapos makatanggap ng reklamo mula sa mga magulang na naabala ang online classes ng mga anak nilang estudyante dahil sa pagvi-videoke ng ibang residente.

Ang mga lalabag sa ordinansa ay sasampahan ng multang P1,000 sa unang paglabag, samantalang P2,000 naman sa mga second-time offenders. Para sa mga lalabag sa ikatlong beses o higit pa, kailangan nilang magmulta ng P3,000.

Maliban sa Manila City government, nauna nang inutusan ng Philippine National Police (PNP) ang mga police commanders na higpitan ang pagbabantay laban sa mga nag-iinuman at nagvi-videoke sa ilang pampublikong lugar at nakakaabala sa mga estudyante.

Ayon kay Police Lt. General Guillermo Eleazar, ang mga violators ay magmumulta ng P2,000 o hindi kaya’y kailangang magsagawa ng community service.

Maging ang Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) ay nanawagan na sa mga local government units na ipagbawal na ang paggamit ng videoke dahil abala rin daw ito sa mga empleyadong naka-work-from-home ngayong may pandemya.

Recommended Posts