‘Please, wala munang Christmas party’ — VP Robredo

Ngayong nalalapit na ang holiday season ngunit hindi pa rin nakakaangat ang Pilipinas sa gitna ng COVID-19 pandemic, nanawagan si Vice President Leni Robredo sa mga government offices at private companies na ipagpaliban muna ang magagarbong Christmas parties at ilaan na lamang ang perang gagastusin sa mga mas importanteng bagay.

Sa kanyang Sunday radio program, nabanggit ni Robredo na ang mga regalo at iba pang materyal na bagay na kadalasang ipinamimigay sa mga Christmas parties ay i-convert nalang daw sa kung ano ang makatutulong sa mga mahihirap na pamilyang Pilipinong apektado ng pandemya.

Sayang lang ang gastos kung magkakaroon ng Christmas parties ang mga kumpanya at opisina ng gobyerno na gaya noong wala pang pandemya, ayon sa bise presidente.

“Parang instead na magregaluhan, papunta na lang doon sa… ang regaluhan na lang iyong mga kailangan talagang regaluhan na mga mahihirap. Sana doon muna,” dagdag niya.

May pahayag din si Robredo ukol sa nais ng Department of Labor and Employment (DOLE) na hayaan ang ilang kumpanya na labis na naapektuhan ang kita dahil sa COVID-19 na ipagpaliban muna ang pagbibigay ng 13th month pay sa kanilang mga empleyado.

Sana raw ay hindi ito samantalahin ng mga kumpanya na may sapat na pondo naman para makapagbigay ng 13th month pay benefit.

“Tingin ko alam ng mga manggagawa kung aling mga kumpanya ang nawalan talaga ng capacity na ibigay at this time iyong 13th month pay, so sila iyong makakapagsabi kung pinagsasamantalahan ng employer iyong oportunidad,” sabi ng bise presidente.

“Pero sa akin lang … sana lahat tayo mag-share ng burden. Lahat magsakripisyo, lahat parang mag-belt-tightening. Kasi talagang mahirap iyong panahon,” panawagan niya.

Recommended Posts