Si Juan na Naman? | God, typhoons, flash flood and COVID-19

Kumusta na mga besh? Kaya pa ba?

Sa kasagsagan ng flash flood, trahedya at kalamidad sa Cagayan Valley, Bicolandia, Central Luzon, Northern Luzon at ibang bahagi ng Southern Tagalog, ang lulutong na naman na mura ang bukambibig ng Mayor ng Pilipinas laban sa Diyos. Tinawag pa niyang “stupid” ang Diyos.

Sabi nga ng mga bata, bad ang magmura at mas bad kung mumurahin mo ang Diyos dahil sa nangyari at nangyayaring kalamidad sa ibat-ibang bahagi ng bansa.

Pero ano na ba ang bago rito? Sa simula pa lang at sa mga sumunod na trahedya, bagyo at kalamidad lahat na lang minura, lalo na ang Diyos. Lahat na sinisi pero sino nga ba ang nakaupo sa puwesto? Sino ba ang inihalal na nangako ng mga pagbabago, na kasama rito na hindi na mauulit ang nangyari sa pagkatapos manalasa ang Bagyong Yolanda sa Visayas?

Tapos galit na galit kapag trending ang #NasaanAngMayorestePresidente?

Hindi ako relihiyosong tao. Naniniwala rin ako sa “freedom of expression”. Pero kung mumurahin mo ang Diyos baka naman puwede huwag sa national TV at huwag na huwag kung ikaw ang Mayor ng Pilipinas. Daming bata na nakakapanood. Baka isipin na lang ok lang murahin si God.

Pansin ko lang kasi magmula nang minumura ni Mayor si God, panay na kamalasan ang inabot natin, pumutok ang Taal Volcano, lumindol na ng ilang beses, magkakasunod na bagyo nito lamang nakaraang buwan, tsunami at kung anu-ano pang kalamidad ang inabot natin.

Coincidence? Probably…

Pansin ko rin nung panahon ng mga trahedya sa Pinas lalo na nung Yolanda bumabaha, pardon the pun, ang tulong galing sa ibat-ibang bansa. Nagmistula ngang World Airport ang Mactan International Airport sa Cebu noon sa dami ng mga military at commercial planes mula sa ibat-ibang bansa na nagpadala ng tulong.

Ngayon ba may nakita kayo? Yung pinagmamalaking BFF na si Winnie Da Pooh may pinadala ba?

Sabi ng mga miron meron naman daw napakarami pa nga na mga sundalo, bapor, eroplano at baka submarine pa nga…pero sa West Philippine Sea nga lang.

Marami ang tumutulong mga private companies, Ayala, SMB, MVP Group of Companies, may mga libreng tawag at pa-load ang Globe, PLDT, Smart at iba pa. Kahit nga yung tinanggalan ng prangkisa gumawa pa rin ng paraan para makatulong sa mga sinalanta ng bagyo.

Saka utang na loob, gasgas na gasgas na ang pagsasabi ng Filipino resiliency to the point na insulto na ito sa mga kababayan natin na ilang araw na naghihintay sa kanilang mga bubong ng tulong. Hindi na rin tama ito na gawin palusot para pagtakpan ang kakulangan ng gobyernong wala man lang kaplano-plano kung dumarating ang mga trahedya.

Tingnan niyo na lang ang COVID-19 sa Pinas nasa 407,838 na cases na pero may nakita na ba tayong paraan na ginawa ang gobyerno para mapigilan ang pagdami ng mga nahahawa at namamatay (7,832 na Pinoy na ang namatay dahil sa pandemic na galing Wuhan)?

Walang may kontrol sa mga trahedya, kalamidad maging ang COVID-19 (unless kasama ang hindi agarang pagbabawal sa mga BFF na galing Wuhan at patuloy na pagpayag ng pagpasok ng mga Intsik na galing China).

Pero ang pagtugon sa mga binagyo, sinalanta ng mga baha at nagkasakit ng COVID-19 ay dapat nagawan ng paraan, ng paghahanda at pagbibigay ng agarang tulong sa pangangailangan ng naghihirap na taumbayan.

Baka naman bawas muna sa mura, puwede trabaho naman na totoo. Spoiled na spoiled ka na nga sa nakaraang apat na taon.

Beke nemen?

Unless counted ang mandatory selfie ng mga aerial inspection kasama ang ambisyosong photobomber.

At diyan ako lalong galit na galit.

Recommended Posts