Traslacion ng Nazareno sa 2021, maaaring ipagpaliban dahil sa banta ng COVID-19

Nanawagan si Manila Mayor Isko Moreno sa mga deboto ng Itim na Nazareno na unawain ang magiging desisyon ng lokal na pamahalaan kung sakaling ipagpaliban muna sa mga susunod na taon ang tradisyon ng Traslacion hangga’t may pandemya.

Ayon sa alkalde, hangga’t walang bakuna ay baka itigil muna ang taunang prusisyon ng Itim na Nazareno kung saan milyun-milyong deboto ang lumalahok.

Dagdag niya, maaaring gumamit muna ng teknolohiya ang mga deboto upang masilayan ang Poong Nazareno.

Nauna nang sinabi ni Fr. Douglas Badong, vicar ng Minor Basilica ng Poong Nazareno sa Quiapo, na pinagpaplanuhan na ng kanilang komite kung ano ang maaaring gawing hakbang sa Traslacion sa darating na Enero 2021.

Sabi ni Fr. Badong, plano nilang idulog sa IATF-EID ang ilan sa kanilang mga proposal para sa prusisyon, kabilang ang pagtatanggal ng tradisyon na pahalik sa Luneta.

“Sana maging bukas ang mga deboto sa pagbabagong ito. Ngayon lang naman itong may pandemic,” sabi ng vicar.

Recommended Posts