Just Juana Say: Ano ba talaga, Yorme?!

Hindi ba’t nakakatawang isipin na si Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso, na siya mismong nanguna sa pagpapasara ng mga sementeryo ngayong Undas para maiwasan ang hawaan ng COVID-19 dahil sa pagdasa ng tao, ay isa rin sa mga opisyal ng gobyerno na sumang-ayon sa pagbubukas ng Manila Bay na ngayo’y may dolomite white sand para maging pasyalan ng publiko?

Sa mga larawan na kumakalat sa social media, kitang-kita ang pagdagsa ng napakaraming tao sa Manila Bay — ang iba may maayos na personal protection tulad ng face shield at face masks, ang iba wala.

Sa pagdagsa ng mga tao ay tila nakalimutan na ng mga mamamayan na may nakamamatay na sakit pa rin sa Pilipinas at tila wala na rin silang pakialam sa physical distancing basta’t makakuha lamang ng larawan kasama ang kontrobersyal na Manila Bay white beach.

Kapansin-pansin din ang pagsuporta ni Isko Moreno sa dolomite project na ito ng gobyerno. Sa kabila ng mga pahayag ng mga eksperto na masama ang dolomite para sa mga kalusugan ng mga tao at para na rin sa natitirang marine life sa Manila Bay, ang panig ng alkalde ay tulad ng mga nasa administrasyong Duterte. Iginiit din niya na hindi ito health hazard.

Mukhang nakalimot si Yorme na ang Maynila ay isa pa rin sa mga itinuturing na COVID-19 hotspot sa Pilipinas dahil karamihan ng mga positive cases mula rito. Hindi nga nagkahawaan dahil sa Undas, e malamang tataas na naman ang COVID-19 cases dahil sa napakaraming tao na ngayo’y namamasyal sa Roxas Boulevard.

Hindi kaya natatakot si Yorme na maging kaaway ng mga DDS?

Recommended Posts