Just Juana Say: Bakit kapag si Juan ang may sala, may parusa agad?

Viral ngayon sa social media ang video ng isang babae na naglalaba lang mismo sa labas ng kanilang bahay ngunit may grupo ng mga barangay tanod ang pinipilit siyang isyuhan ng ticket dahil wala raw siyang face mask.

Depensa ng babae, hindi niya kailangang mag-face mask dahil siya ay nasa bakuran naman ng kanyang tahanan. At bakit raw siya pilit na binibigyan ng violation ticket ng mga barangay tanod gayong naglalaba lang siya?

Sa nasabing video, maririnig din ang pagmamatigas ng ilang barangay tanod na mabigyan ng violation ticket ang babae at para sumama ito sa barangay. May isang tanod rin na binantaan ang babae ng “kakasuhan kayo ng gobyerno!”

Maririnig din sa video ang matandang babae na nagsasabing “”Naglalaba lang ako, ti-ticketan na ako? Ganun na ba talaga ka-unfair ang batas ngayon? Tapos kapag na-ticketan ka, isang libo ang tubos mo, kapag hindi mo natubos, another kaso na naman. Nasaan ang human rights na tinatawag doon?”

Ang viral na video ay meron nang 38,000 reactions at 51,000 comments sa Facebook. Puno rin ang comment box ng mga kritisismo mula sa netizens dahil sa hindi magandang ugali na ipinakita ng mga barangay tanod.

Nakakalungkot isipin na ang viral video na ito ay salamin ng buhay ng mga Pilipino sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Sa ilalim ng ilang palpak na guidelines para hindi raw kumalat ang virus, nahaharap ang mga ordinaryong Pilipinong di-umano’y lumabag sa batas sa agarang parusa.

Samantala, ang mga opisyales ng gobyerno na lantarang hindi sumunod ay patuloy pa rin sa pagpapakasasa sa kapangyarihan.

Halimbawa rito ay si NCRPO Director Debold Sinas. Sinong makakalimot na sa gitna ng pandemya ay nagawa pa nitong magpa-mañanita?

Matapos nito ay mababalitaan pa ng sambayanan na sa kabila ng kontrobersiya ay mabibigyan pa siya ng mataas na posisyon sa Philippine National Police (PNP). Tama nga ang sinabi ng babae sa video: ganito na ba talaga ka-unfair ang batas ngayon?

Mapapaisip ka nalang, unfair nga ba ang mundo o talagang puro kapalpakan lang ang gobyerno?

Recommended Posts